Panukalang P1K monthly pension para sa senior citizens, pirma na lang ni PRRD ang kulang

LAGDA na lamang ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kulang para maaprubahan ang panukalang batas para madagdagan ang monthly pension ng mga indigent senior citizens sa buong bansa.

Ayon kay Senior Citizens Partylist Rep. Ompong Ordanes, sa ilalim ng panukala magiging P1,000 ang monthly pension mula sa kasalukuyang P500.

Tiyak anyang pakikinabangan ito nang husto ng milyong-milyong senior cutizens sa bansa.

“Sa ngayon ang tumatanggap ay 3.8 million. Once ito’y maipatupad, maaaring mga 4 milyon pa,” pahayag ni Ordanes.

Nilinaw naman ni Congressman Ordanes na siyang nanguna at nagsulong ng panukala sa Kongreso na hindi agad matatanggap ng mga senior ang dagdag na pensyon.

Epektibo aniya ito sa 2023 pa kaya nanawagan si Ordanes kay Pangulong Duterte na pirmahan na ang batas bago bumaba ang Pangulo sa pwesto.

“Pinapakiusap ko sana sa ating presidente na bago siya bumaba sa June 30 ay mapirmahan niya ‘yung batas kasi napakarami pong senior citizens na umaasa nito. Ito po ating bill na ‘to sa pension marami pong senior citizens na nag-aantay, matagal nang nag-aantay na maisabatas ang ating social pension,” ayon sa panawagan ni Ordanes.

Samantala, ngayong pinagkatiwalaan uli ang Senior Citizens Partylist sa nagdaang eleksyon, giit ni Congressman Ordanes na hindi sila titigil sa pagsusulong na magkaroon ng Universal Pension para sa mga senior.

Oras na maisabatas ito, lahat ng senior citizen mapaindigent man o hindi, mayaman man o mahirap ay makatatanggap ng pensyon.

“Actually, ang ating original na proposal is universal pension. Ang naging problema hindi tayo nakapasa dahil sa kakulangan ng budget dahil nagamit nitong dinaranas nating pandemic. So, ‘yan ang ating naipasa pero rest assured ang ating mga senior citizens next Congress po ay ipa-file ‘yung universal pension natin para ang lahat ng senior citizens whether rich or poor ay makakatanggap ng pension mula sa ating gobyerno,” ani Ordanes.