Darryl Yap na-boo ng kapwa filmmakers sa Cinemalaya Festival matapos lumabas ang pangalan niya doon

Usap-usapan ngayon sa social media ang pag-boo kay Maid in Malacañang director Darryl Yap ng mga kapwa niya filmmaker sa 18th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival.

Sa ilang ulat na kumakalat sa social media ay ilang filmmakers ang tila ipinakita ang kanilang pagkadismaya matapos lumabas ang pangalan ni Yap sa screen ng nasabing festival.

Sa kanyang Facebook post, inamin ni Yap na mayroon nga siyang entry na pelikula sa Cinemalaya kaya naman kinokonsidera siyang parte ng nasabing festival.

Hindi niya naman sinabi kung anong pelikula ito dahil sa mayroon siyang pelikula sa ilalim ng VIVA films.

“Yes, I produced a Cinemalaya film. I can’t publicly promote it because I have #MAIDinMALACAÑANG.” ani Yap.

Sinagot naman ni Yap ang pambabatikos sa kanya ng mga kasamahan niya sa industriya dahil sa pagsuporta niya sa pamilya Marcos.

“Sabi sa akin, nung lumabas daw ang name ko
nag “boo” raw ang mga filmmakers na nasa
bulwagan.” aniya.

“Ano raw ang reaction ko… ito po: NOSI BALASI.” dagdag niya pa.

Ang ‘Nosi Balasi’ ay kanta ni Sampaguita noong 80s na may mensahe na huwag pansinin ang mga bumabatikos at ituloy lamang ang iyong ginagawa.

Sa ngayon ay wala pang pahayag ang Cinemalaya sa nasabing insidente.