AWOL na parak timbog sa sabungan

Arestado sa loob ng sabungan ang isang AWOL na pulis na sangkot sa kaso ng nakawan sa Maynila.

Kinilala ang suspek na si PO1 Edward Salamat Jr., na sangkot umano sa isang kaso ng nakawan noong taong 2013. Aktibo pa umano sa serbisyo si Salamat at nakasuot pa ito ng uniporme nang mangholdap.

Dinakip ito ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group sa bisa ng tatlong arrest warrants.

Nabatid pa na nakatanggap ng impormasyon ang pulisya na madalas nagpupunta ang suspek sa sabungan kada katapusan ng linggo.

Kabilang umano si Salamat sa mga pulis na minsan nang ipinatawag ni dating pangulong Rodrigo Duterte dahil sa iba’t ibang uri ng paglabag.